Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Depresyon, PTSD, at Iba Pang mga Kondisyon sa Kalusugang Pangkaisipan sa Lugar ng Trabaho: Ang Iyong Mga Legal na Karapatan

Depresyon, PTSD, at Iba Pang mga Kondisyon sa Kalusugang Pangkaisipan sa Lugar ng Trabaho: Ang Iyong Mga Legal na Karapatan

Kung mayroon kang depresyon, post-traumatic stress disorder (PTSD), o iba pang kondisyon sa kalusugang pangkaisipan, ikaw ay  protektado laban sa diskriminasyon at panliligalig sa trabaho dahil sa iyong kondisyon, mayroon kang mga karapatan sa pagkapribado sa lugar ng trabaho, at maaaring mayroon ka ng legal na karapatan na makakuha ng makatuwirang mga akomodasyon na makakatulong sa pagganap mo at pagpapanatili ng iyong trabaho. Ang mga sumusunod na mga katanungan at kasagutan ay maikling paliwanag sa mga karapatang ito, na ibinibigay ng Americans with Disabilities Act (ADA). Maaari ka ring magkaroon ng mga karagdagang karapatan sa ilalim ng iba pang mga batas na hindi tinalakay dito, tulad ng Family and Medical Leave Act (FMLA) at iba't ibang batas ng mga seguro sa kalusugan.

1. Pinahihintulutan ba ang aking employer na tanggalin ako sa trabaho dahil mayroon akong kondisyon sa kalusugang pangkaisipan?

Hindi. Labag sa batas para sa isang employer na magdiskrimina laban sa iyo dahil lamang sa mayroon kang kondisyon sa kalusugang pangkaisipan. Kabilang dito ang pagpapaalis sa iyo, pagtanggi sa iyo sa isang trabaho o pag-promote, o pagpilit sa iyo na kumuha ng pagliban o leave.

Ang isang employer ay hindi kinakailangang maghire o panatilihin ang mga taong hindi kayang gampanan ang kanilang trabaho, o kumuha ng mga taong nagpapakita ng "direktang banta" sa kaligtasan (matinding panganib na makakapinsala sa sarili o sa iba). Ngunit ang isang employer ay hindi maaring gawing basehan ang haka-haka o stereotypes tungkol sa kalagayan ng iyong pag-iisip sa pagpapasya kung magampanan mo man ang iyong trabaho o nagpapakita kang isang panganib sa kaligtasan. Bago ka tanggihan ng isang employer sa isang trabaho batay sa kondisyon mo, dapat itong magkaroon ng makatotohanang katibayan na nagpapatunay na hindi mo kayang gampanan ang iyong mga tungkulin sa trabaho, o maaaring lilikha ka ng isang panganib sa kaligtasan, kahit na may isang makatuwirang akomodasyon (tingnan ang Tanong 3).

2. Pinahihintulutan ba akong manatiling pribado ang aking kondisyon?

Sa karamihan ng mga sitwasyon, maaari mong panatilihing pribado ang iyong kondisyon. Pinapayagan lamang ang isang employer na magtanong ng mga medikal na katanungan (kabilang ang mga tanong tungkol sa kalusugang pangkaisipan) sa apat na sitwasyon:

  • Kapag humingi ka ng makatuwirang akomodasyon (tingnan ang Tanong 3).
  • Matapos kang bigyan ng alok na trabaho, bago magsimula ang trabaho, basta lahat ng pumapasok sa parehong kategorya ng trabaho ay tinanong ng parehong mga katanungan.
  • Kapag ito ay nagsasagawa ng apirmatibong aksyon sa mga taong may kapansanan (gaya ng pagsubaybay ng isang employer sa katayuan ng kapansanan ng mga grupong aplikante nito upang matasa ang mga pagsisikap sa pagrecruit at pag-hire, o isang employer ng pampublikong sektor na isinasaalang-alang kung ang mga natatanging tuntunin sa pag-hire ay maaaring maisagawa), kung saan maaari kang pumili kung nais mong sumagot.
  • Sa trabaho, kapag may makatotohanang ebidensya na hindi mo na kayang gampanan ang iyong trabaho o nagpapakita ka ng isang panganib sa kaligtasan dahil sa iyong kondisyon.

Maaaring kailanganin mo ring talakayin ang iyong kundisyon upang makalikha ng elihibilidad ng benepisyo sa ilalim ng iba pang mga batas, tulad ng FMLA. Kung tatalakayin ninyo ang tungkol sa iyong kundisyon, hindi ka pwedeng idiskrimina ng employer (tingnan ang Tanong 5), at dapat manatiling kumpidensyal ang impormasyon, kahit pa ito’y mula sa mga katrabaho. (Kung gusto mong talakayin ang iyong kalagayan sa mga katrabaho, maaari mo itong gawin.)

3. Paano kung ang kondisyon ng aking kalusugang pangkaisipan ay puwedeng makaapekto sa pagganap ng aking trabaho?

Maaaring may legal kang karapatan sa isang makatuwirang akomodasyon na makakatulong na gampanan ang iyong trabaho. Ang isang makatuwirang akomodasyon ay isang uri ng pagbabago sa paraang karaniwang ginagawa sa trabaho. Ilan lamang sa mga halimbawa ng mga posibleng akomodasyon ay kabilang ang binagong mga iskedyul ng break at trabaho (hal., pag-iiskedyul ng trabaho sa oras ng mga appointment sa mga terapiya), tahimik na espasyo sa opisina o mga elektronikong aparatong lumilikha ng tahimik na kapaligiran sa trabaho, mga pagbabago sa mga pamamaraan ng pangangasiwa (hal., nakasulat na mga tagubilin mula sa isang tagapangasiwa na karaniwang hindi nagbibigay nito), mga tiyak ng oras ng trabaho at pahintulot na magtrabaho sa bahay.

Maaari kang makakuha ng makatuwirang akomodasyon sa anupamang kondisyon ng kalusugang pangkaisipan, kung hindi magagamot, "malaking limitasyon" sa iyong kakayahang mag-isip ng taimtim, makipag-ugnayan sa iba, makipag-usap, kumain, matulog, maalagaan ang sarili, maayos ang iyong mga kaisipan o emosyon, o gawin ang anumang "pangunahing aktibidad sa buhay." (Hindi mo kailangang aktuwal na ihinto ang gamutan upang makakuha ng akomodasyon.)

Ang iyong kondisyon ay hindi kailangang maging permanente o malubha upang maging "malaking limitasyon." Maaari itong maging kwalipikado sa pamamagitan ng, halimbawa, paggawa ng mga aktibidad na mas mahirap, hindi komportable, o nakakaubos ng oras sa pagganap kumpara sa paraan na ginagawa ng karamihan. Kung ang iyong mga sintomas ay pabalik-balik, ang mahalaga ay kung gaano ito magiging limitado kapag mayroon ng mga sintomas. Ang mga kondisyon sa kalusugan ng pag-iisip tulad ng major depression, post-traumatic stress disorder (PTSD), bipolar disorder, schizophrenia, at obsessive compulsive disorder (OCD) ay dapat na madaling makwalipikado, at makwalipikado rin ang marami pang iba.

4. Paano ako makakakuha ng makatuwirang na akomodasyon?

Hilingin ito. Ipagbigay-alam sa isang tagapangasiwa, HR manager, o sa isang angkop na tao na kailangan mo ng pagbabago sa trabaho dahil sa isang kondisyong medikal. Maaari kang humingi ng akomodasyon anumang oras. Dahil hindi kinakailangang idahilan ng isang employer ang hindi magandang pagganap sa trabaho, kahit na ito ay sanhi pa ng isang kondisyong medikal o mga epekto ng gamot, sa pangkalahatan ay mas magandang kumuha ng makatwirang akomodasyon bago mangyari ang anumang mga problema o lumala pa. (Pinipili ng karamihan na maghintay na humingi ng akomodasyon pagkatapos nilang tumanggap ng alok na trabaho, gayunman, napakahirap patunayan ang nangyayaring iligal na diskriminasyon bago ang isang alok na trabaho.) Hindi mo kailangang mag-isip ng partikular na akomodasyon, ngunit maaari kang humingi ng isang partikular na bagay.

5. Ano ang mangyayari pagkatapos kong humingi ng makatuwirang akomodasyon?

Maaaring hilingin sa iyo ng employer mo na isulat ang iyong kahilingan, at ilarawan ang kalagayan mo sa pangkalahatan at kung paano ito makakaapekto sa iyong trabaho. Maaari ding hilingin sa iyo ng employer na magsumite ng isang sulat mula sa iyong health care provider na nagdodokumento na mayroon kang kondisyon sa kalusugang pangkaisipan, at dahil dito, kailangan mo ng isang akomodasyon. Kung ayaw mong malaman ng employer ang iyong partikular na diagnosis, maaaring sapat na ang pagbibigay ng dokumentasyong naglalarawan sa iyong kondisyon sa pangkalahatan (sa pamamagitan ng pagsasabi, halimbawa, na mayroon kang "anxiety disorder"). Maaari ding itatanong sa iyo ng employer mo ang iyong health care provider kung ang partikular na mga akomodasyon ay makakatugon sa iyong mga pangangailangan. Matutulungan mo ang iyong health care provider na maunawaan ang batas ng makatuwirang akomodasyon sa pamamagitan ng pagdadala ng kopyang inilathala ng EEOC na The Mental Health Provider's Role in a Client's Request for a Reasonable Accommodation at Work sa iyong apointment.

Kung ang isang makatuwirang akomodasyon ay makakatulong na magampanan mo ang iyong trabaho, dapat na maibigay sa iyo ito ng employer mo maliban na lang kung ang akomodasyon ay magdudulot ng malaking kahirapan o gastos. Kung higit sa isang akomodasyon ang puwede, maaaring pumili ang employer kung alin ang ibibigay sa iyo. Hindi ka maaaring tanggalin ng iyong employer sa trabaho, o tanggihan ka sa pag-hire o i-promote ka, dahil lamang sa humingi ka ng makatuwirang akomodasyon o dahil kailangan mo ito. Hindi ka rin nito maaring pagbayarin sa gastos ng akomodasyon.

​​​​​​​6. Paano kung hindi ko magawa ang aking regular na trabaho, kahit na may akomodasyon?

Kung hindi mo kayang gampanan ang lahat ng mahahalagang tungkulin mo sa iyong trabaho sa normal na mga pamantayan at walang magagamit na bayad na pagliban o paid leave, maaari ka pa ring magkaroon ng karapatan sa walang bayad na pagliban o unpaid leave bilang makatwirang akomodasyon kung ang pagliban na iyon ay makakatulong sa iyo na maabot mo ang puntong magagampanan mo ang iyong mga tungkulin. Maaari ka ring maging kwalipikado sa pagliban sa ilalim ng Family and Medical Leave Act, na ipinapatupad ng United States Department of Labor. Ang karagdagang impormasyon tungkol sa batas na ito ay matatagpuan sa www.dol.gov/whd/fmla.

Kung hindi mo kayang gampanan ng permanente ang iyong regular na trabaho, maaari mong hilingin sa iyong employer na ilipat ka sa isang trabaho na maaari mong gampanan bilang makatuwirang akomodasyon, kung mayroon man. Mga karagdagang impormasyon sa mga makatuwirang akomodasyon sa trabaho, kabilang ang muling pagtatalaga, ay makukuha rito.

7. Paano kung nililigalig ako dahil sa aking kalagayan?

Ang panliligalig o panghaharas batay sa kapansanan ay hindi pinahihintulutan sa ilalim ng ADA. Dapat mong ipagbigay-alam sa iyong employer ang tungkol sa anumang panliligalig kung nais mong itigil ng employer ang problema. Sundin ang mga pamamaraan ng pagrereport ng iyong employer kung mayroon man. Kung ipagbibigay-alam mo ang panliligalig, ang iyong employer ay kinakailangang legal na gumawa ng hakbang upang maiwasan itong mangyari sa hinaharap.

8. Ano ang dapat kong gawin kung sa tingin ko ay nilabag ang aking mga karapatan?

Ang Equal Employment Opportunity Commission (EEOC) ay maaaring makatulong sa iyo na magpasya kung ano ang susunod na gagawin, at magsagawa ng imbestigasyon kung magpapasya kang magsasampa ng kaso ng diskriminasyon. Dahil kailangan mong maghain ng kaso sa loob ng 180 araw ng di-umano’y paglabag upang makapagsagawa ng karagdagang legal na aksyon (o 300 araw kung ang employer ay saklaw din ng isang estado o lokal na batas sa diskriminasyon sa trabaho), pinakamagandang simulan ang proseso nang maaga. Labag sa batas na gumanti ang iyong employer laban sa iyo sa pakikipag-ugnayan sa EEOC o paghahain ng kaso. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang http://www.eeoc.gov, tumawag sa 800-669-4000 (boses) o 800-669-6820 (TTY), o bisitahin ang iyong lokal na opisina ng EEOC (tingnan https://www.eeoc.gov/field para sa impormasyon sa pakikipag-ugnayan).