Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Mga Limitasyon Sa Oras Para Sa Paghahain Ng Reklamo

Mga Limitasyon Sa Oras Para Sa Paghahain Ng Reklamo

Ang mga batas laban sa diskriminasyon ay nagbibigay sa iyo ng limitadong panahon para maghain ng reklamong nauugnay sa diskriminasyon. Sa pangkalahatan, kailangan mong maghain ng reklamo sa loob ng 180 araw ng kalendaryo mula sa araw kung kailan naganap ang diskriminasyon. Ang 180 araw ng kalendaryo na deadline para sa paghahain ay pinapalawig nang 300 araw ng kalendaryo kung magpapatupad ang isang ahensya ng estado o lokal na ahensya ng batas na nagbabawal sa diskriminasyon sa trabaho sa parehong batayan. Naiiba nang bahagya ang mga panuntunan para sa mga reklamong nauugnay sa diskriminasyon batay sa edad. Para sa diskriminasyon batay sa edad, pinapalawig lang nang 300 araw ang deadline para sa paghahain kung may batas ng estado na nagbabawal sa diskriminasyon batay sa edad sa pagtatrabaho at kung may ahensya o awtoridad ng estado na nagpapatupad sa batas na iyon. Hindi pinapalawig ang deadline kung isang lokal na batas lang ang nagbabawal sa diskriminasyon batay sa edad.

Tandaan: May magkaibang proseso ng pagrereklamo ang mga empleyado at aplikante ng pederal na pamahalaan, at sa pangkalahatan, dapat silang makipag-ugnayan sa Tagagabay ng EEO ng ahensya sa loob ng 45 araw. Sa ilalim ng ilang partikular na sitwasyon, maaaring palawigin ang limitasyon sa oras.

Gaano man karami ang oras mo para maghain ng reklamo, pinakamainam na maghain ng reklamo sa sandaling makapagpasya kang iyon ang gusto mong gawin.

Sa pangkalahatan, hindi papalawigin ang mga limitasyon sa oras para sa paghahain ng reklamo sa EEOC habang sinusubukan mong magresolba ng di-pagkakasundo sa pamamagitan ng iba pang forum gaya ng internal na pamamaraan para sa karaingan, karaingan ng unyon, o pag-aareglo o pagpapamagitan bago maghain ng reklamo sa EEOC. Maaaring isagawa ang iba pang pamamaraan para sa pagresolba habang ipinoproseso ang reklamo sa EEOC.

Kasama sa kalkulasyon ang mga holiday at weekend, ngunit kung ang deadline ay sa isang weekend o holiday, mayroon kang hanggang sa susunod na araw ng negosyo para maghain ng reklamo. Kumplikadong alamin kung gaano karami ang oras mo para maghain ng reklamo. Kung hindi ka sigurado kung gaano karaming oras ang natitira, dapat kang makipag-ugnayan sa isa sa aming mga field office sa lalong madaling panahon para matukoy namin kung may oras ka pa.

Kung Higit Sa Isang Pagdidiskrimina Ang Nangyari

Dagdag pa rito, kung higit sa isang pagdidiskrimina ang nangyari, kadalasang nalalapat ang deadline sa bawat isang kaganapan. Halimbawa, ipagpalagay natin na na-demote ka, pagkatapos ay nasisante ka pagkalipas ng isang taon. Sa tingin mo ay nagpasya ang employer na i-demote at sisantehin ka batay sa iyong lahi, at naghain ka ng reklamo pagkalipas ng isang araw pagkatapos mong maalis sa trabaho. Sa ganitong sitwasyon, ang iyong claim lang sa mapandiskriminang pag-aalis sa trabaho ang nasa tamang oras. Sa madaling salita, dapat ay naghain ka ng reklamo na nagkukuwestyon sa pag-demote sa loob ng 180/300 araw mula sa araw na na-demote ka. Kung hindi mo ito ginawa, ang pagkakaalis mo lang sa trabaho ang iimbestigahan namin. May isang eksepsyon sa pangkalahatang panuntunan na ito at iyon ay kung may idinedeklara kang nagpapatuloy na panghaharas.

Nagpapatuloy Na Panghaharas

Sa mga kaso ng panghaharas, dapat mong ihain ang iyong reklamo sa loob ng 180 o 300 araw pagkatapos ng huling insidente ng panghaharas, gayunpaman, titingnan namin ang lahat ng insidente ng panghaharas kapag iniimbestigahan ang iyong reklamo, kahit na ang mga naunang insidente ay naunang nangyari nang higit sa 180/300 araw.

Equal Pay Act At Mga Limitasyon Sa Oras

Kung pinaplano mong maghain ng reklamo na nagpaparatang ng paglabag sa Equal Pay Act (na nagbabawal sa diskriminasyon batay sa kasarian sa mga pagpapasahod at benepisyo), may nalalapat na magkakaibang deadline. Sa ilalim ng Equal Pay Act, hindi mo kailangang maghain sa EEOC ng reklamong nauugnay sa diskriminasyon. Sa halip ay pinapayagan kang magpunta mismo sa hukuman at magdemanda. Ang deadline para sa paghahain ng reklamo o pagdedemanda sa ilalim ng EPA ay dalawang taon mula sa araw na natanggap mo ang huling sahod na nauugnay sa diskriminasyon (pinapalawig ito nang tatlong taon sa kaso ng sinasadyang diskriminasyon).

Equal Pay Act At Title VII At Mga Limitasyon Sa Oras

Tandaan, ginagawa ring ilegal ng Title VII na mandiskrimina batay sa kasarian sa pagpapasahod at mga benepisyo. Nangangahulugan ito na kung mayroon kang claim sa Equal Pay Act, maaari ka ring maghain ng claim sa Title VII. Para ipagpatuloy ang isang claim sa Title VII, dapat ka munang maghain ng reklamo sa EEOC. Kapag naghain ng reklamong nauugnay sa Title VII, hindi papalawigin ang deadline para sa pagdedemanda sa ilalim ng EPA. Kumplikadong alamin kung gaano karami ang oras mo para maghain ng reklamo. Maaari ding maging mahirap na tukuyin ang mga positibo at negatibong aspeto ng paghahain ng reklamo sa ilalim ng EPA sa halip na magdemanda. Ikalulugod ng tauhan ng field office namin na makipag-ugnayan sa iyo para alamin ang mga opsyon mo.