Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Pagpapamagitan

Pagpapamagitan

Ang pagpapamagitan ay isang hindi pormal at kumpidensyal na paraan para sa mga tao para lumutas ng mga di-pagkakasundo sa tulong ng neutral na tagapamagitan na bihasa sa pagtulong ng mga tao na talakayin ang kanilang hindi pagkakaunawaan. Hindi pumipili ang tagapamagitan kung sino ang tama o mali at hindi siya naghahatol. Sa halip ay tinutulungan niya ang mga partido na gumawa ng mga sarili nilang solusyon sa mga problema.

Tandaan: Kinakailangan ng mga pederal na ahensya na magkaroon ng programang alternatibong pagresolba sa di-pagkakasundo. Gumagamit ng pagpapamagitan ang karamihan, ngunit hindi ito nangangahulugan na ginagamit nila ang proseso ng EEOC.

Mga Benepisyo ng Pagpapamagitan

Isa sa pinakamalalaking benepisyo ng pagpapamagitan ay nagbibigay-daan ito sa mga tao na resolbahin ang reklamo nang maayos at sa mga paraang natutugunan ang kanilang personal na pangangailangan. Bukod pa rito, maaaring maresolba nang mas mabilis ang isang reklamo sa pamamagitan ng pagpapamagitan. Bagama't hindi inaabot ng 3 buwan sa karaniwan para maresolba ang isang reklamo sa pamamagitan ng pagpapamagitan, inaabot ito ng 10 buwan o mas mahaba pa para maimbestigahan ang isang reklamo. Ang pagpapamagitan ay patas, mahusay, at makakatulong sa mga partido na makaiwas sa mahabang imbestigasyon at paglilitis.

Proseso ng Pagpapamagitan ng EEOC

Pagkalipas ng ilang sandali pagkatapos na maghain ng reklamo, maaari kaming makipag-ugnayan sa empleyado at employer para itanong sa kanila kung interesado silang lumahok sa pagpapamagitan. Ganap na boluntaryo ang pasyang lumahok sa pagpapamagitan. Kung tatanggihan ng parehong partido ang pagpapamagitan, ipapasa sa isang imbestigador ang reklamo. Kung sasang-ayon na lumahok sa pagpapamagitan ang parehong partido, mag-iiskedyul kami ng pagpapamagitan na isasagawa ng isang bihasa at may karanasang tagapamagitan. Kung hindi magkakasundo ang mga partido sa pagpapamagitan, iimbestigahan ang reklamo gaya ng pag-iimbestiga sa anupamang reklamo. Maipapatupad sa hukuman ang isang nakasulat na nilagdaang kasunduan na naabot sa pagpapamagitan gaya lang ng anupamang kontrata.

Tagal at Halaga ng Pagpapamagitan

Karaniwang tumatagal nang 3 hanggang 4 na oras ang isang session ng pagpapamagitan, ngunit maaaring mag-iba ang tagal depende sa pagiging kumplikado ng kaso. Hindi sisingilin ang parehong partido para dumalo sa pagpapamagitan.

Sino ang Dapat Dumalo sa Pagpapamagitan

Dapat dumalo sa session ng pagpapamagitan ang lahat ng partidong nauugnay sa reklamo. Kung kinakatawan mo ang employer, dapat ay pamilyar ka sa mga impormasyon ng reklamo at may awtoridad kang aregluhin ang reklamo sa ngalan ng employer. Bagama't hindi mo kailangang magsama ng abogado sa pagpapamagitan, maaari itong gawin ng parehong partido. Ang tagapamagitan ang magpapasya kung ano ang tungkuling gagampanan ng abogado sa panahon ng pagpapamagitan.