Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Diskriminasyon Batay sa Bansang Pinagmulan

Diskriminasyon Batay sa Bansang Pinagmulan

Ang diskriminasyon batay sa bansang pinagmulan ay may kinalaman sa hindi kanais-nais na pagturing sa mga tao (mga aplikante o empleyado) dahil mula sila sa isang partikular na bansa o bahagi ng mundo, dahil sa etnisidad o accent, o dahil sila ay mukhang galing sa isang partikular na etnisidad (kahit na hindi sila nauugnay sa partikular na etnisidad na iyon).

Ang diskriminasyon batay sa bansang pinagmulan ay maaari ding maugnay sa hindi kanais-nais na pagturing sa mga tao dahil sila ay kasal (o nauugnay) sa taong mula sa isang partikular na bansa.

Maaaring mangyari ang diskriminasyon kapag ang biktima at ang taong nandiskrimina ay mula sa parehong bansa.

Diskriminasyon Batay sa Bansang Pinagmulan at Mga Sitwasyon sa Trabaho

Ipinagbabawal ng batas ang diskriminasyon pagdating sa anumang aspeto ng pagtatrabaho, kabilang ang pag-hire, pagsisisante, pagpapasahod, mga pagtatalaga ng trabaho, mga promotion, pagtatanggal ng empleyado, pagsasanay, mga karagdagang benepisyo ng empleyado, at anupamang tuntunin o kundisyon ng trabaho.

Diskriminasyon Batay sa Bansang Pinagmulan at Panghaharas

Ilegal na mangharas ng tao dahil sa bansang pinagmulan niya. Maaaring kabilang sa panghaharas, halimbawa, ang mga nakakapanakit o mapanirang puri na komento tungkol sa bansang pinagmulan, accent, o etnisidad ng isang tao. Bagaman hindi ipinagbabawal ng batas ang simpleng panunukso, mga hindi inaasahang komento, o mga natatanging pangyayaring hindi gaanong nakababahala, ilegal ang panghaharas kapag lumikha ang pagiging madalas o malala nito ng mapanganib o mapanakit na lugar ng trabaho o kapag nagresulta ito sa isang hindi magandang desisyon sa trabaho (tulad ng pagkasisante o pagka-demote ng biktima).

Maaaring ang nanghaharas ay ang supervisor ng biktima, isang supervisor sa ibang area, isang katrabaho, o isang taong hindi empleyado ng employer, tulad ng kliyente o customer.

Bansang Pinagmulan at Mga Polisiya/Kagawian sa Trabaho

Dahil sa batas, ilegal para sa isang employer o ibang saklaw na entidad na gumamit ng polisiya o kagawian sa trabaho na nalalapat sa lahat, anuman ang bansang pinagmulan, kung ito ay may negatibong epekto sa mga taong mula sa partikular na bansa, hindi nauugnay sa trabaho, o hindi kinakailangan sa operasyon ng negosyo.

Maaari lang hingin ng employer sa isang empleyado na magsalita sa matatas na Ingles kung kailangan ang pagkamatatas sa Ingles para epektibong maisagawa ang trabaho. Pinapayagan lang ang "English lang na panuntunan" na nag-aatas sa mga empleyado na magsalita lang sa Ingles sa trabaho kung kailangan ito para matiyak ang kaligtasan o kahusayan ng operasyon ng negosyo ng employer at kung itinatakda ito para sa mga dahilang hindi nandidiskrimina.

Hindi maaaring gamitin ng employer bilang batayan sa pagdedesisyon sa trabaho ang isang pambanyagang accent ng empleyado, maliban na lang kung labis na nakakaapekto ang accent sa pagsasagawa ng trabaho ng empleyado.

Diskriminasyon Batay sa Pagkamamamayan at Mga Batas sa Lugar ng Trabaho

Dahil sa Immigration Reform and Control Act ng 1986 (IRCA), ilegal para sa isang employer na mandiskrimina pagdating sa pag-hire, pagsisisante, o pagre-recruit o referral para sa bayad, batay sa pagkamamamayan o status ng imigrasyon ng isang indibidwal. Ipinagbabawal ng batas ang mga employer na mag-hire lang ng mga mamamayan ng U.S. o legal na permanenteng residente maliban na lang kung iniaatas ito ng batas, regulasyon, o kontrata ng gobyerno. Hindi maaaring tumanggi ang mga employer na tumanggap ng legal na dokumentasyon na nagpapatunay sa pagiging kwalipikadong magtrabaho ng empleyado at hindi maaaring humingi ng karagdagang dokumentasyon ang mga employer higit pa sa kinakailangan ayon sa batas, kapag nagve-verify ng pagiging kwalipikado sa pagtatrabaho (ibig sabihin, pagkumpleto sa Form I-9 ng Department of Homeland Security (DHS)) batay sa bansang pinagmulan o status ng pagkamamamayan ng empleyado. Ang empleyado ang pipili kung aling tinatanggap na dokumentong Form I-9 ang ipapakita para ma-verify ang pagiging kwalipikado sa pagtatrabaho.

Ipinagbabawal din ng IRCA ang pagganti sa mga indibidwal para sa pagpapahayag ng kanilang mga karapatan sa ilalim ng Batas, o para sa paghahain ng reklamo o pagtulong sa isang imbestigasyon o paglilitis sa ilalim ng IRCA.

Ang mga iniaatas na kundisyon ng IRCA na nauugnay sa pagbabawal sa diskriminasyon ay ipinapatupad ng Seksyong Immigrant and Employee Rights (IER) ng Civil Rights Division ng Department of Justice. Maaaring makaugnayan ang IER sa:

1-800-255-7688 (voice para sa mga empleyado/aplikante),
1-800-237-2515 (TTY para sa mga empleyado/aplikante),
1-800-255-8155 (voice para sa mga employer), o sa
1-800-362-2735 (TTY para sa mga employer), o sa
https://www.justice.gov/ier/