Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Paghahain ng Demanda

Paghahain ng Demanda

Paalala: May magkaibang proseso ng pagrereklamo ang mga pederal na empleyado at aplikante ng trabaho.

Mga Pangangailangan sa Paghahain ng Reklamo at Abiso ng Karapatang Manghabla

Kung nagpaplano kang maghain ng demanda sa ilalim ng pederal na batas na nag-aakusa ng diskriminasyon batay sa lahi, kulay, relihiyon, kasarian (kabilang ang pagbubuntis, pagkakakilanlan ng kasarian, at oryentasyon ng seksuwalidad), pinagmulang bansa, edad (40 taong gulang pataas), kapansanan, genetic na impormasyon, o pagganti, dapat ka munang maghain ng reklamo sa EEOC (maliban para sa mga demanda sa ilalim ng Equal Pay Act, tingnan sa ibaba).

Bibigyan ka namin ng Abiso ng Karapatang Manghabla kapag isinara ng EEOC ang imbestigasyong ito. Maaari ka ring humiling ng Abiso ng Karapatang Manghabla mula sa tanggapan ng EEOC na nag-iimbestiga sa iyong reklamo kung gusto mong maghain ng demanda sa korte bago makumpleto ang imbestigasyon (tingnan sa ibaba). Binibigyan ka ng abisong ito ng pahintulot para maghain ng demanda sa pederal o pang-estadong korte.

May 90 Araw Ka Para Maghain ng Demanda sa Korte

Kapag nakatanggap ka na ng Abiso ng Karapatang Manghabla, dapat mong ihain ang iyong demanda sa loob ng 90 araw. Batas ang nagtakda sa deadline na ito. Kung hindi ka maghahain sa tamang oras, maaari kang mapigilang magpatuloy sa iyong demanda.

Mga Eksepsyon Kapag Naghahain ng Demanda

Mga Demanda sa Diskriminasyon Batay sa Edad (ADEA)

Kung nagpaplano kang maghain ng demanda sa diskriminasyon batay sa edad, dapat kang maghain ng reklamo ngunit hindi mo kailangan ng Abiso ng Karapatang Manghabla para maghain ng demanda sa korte. Maaari kang maghain ng demanda sa korte anumang oras pagkalipas ng 60 araw mula sa petsa kung kailan mo inihain ang iyong reklamo (ngunit hindi lalampas nang 90 araw pagkatapos mong matanggap ang abisong nakumpleto na ang aming imbestigasyon).

Mga Demanda sa Pantay na Sahod (EPA)

Kung nagpaplano kang maghain ng demanda sa ilalim ng Equal Pay Act, hindi mo kailangang maghain ng reklamo o magkaroon ng Abiso ng Karapatang Manghabla bago maghain. Sa halip, maaari kang pumunta nang direkta sa korte, kung ihahain mo ang iyong demanda sa loob ng dalawang taon mula sa araw kung kailan nangyari ang diskriminasyon sa sahod (3 taon kung buong-loob ang diskriminasyon).

Ginagawa ring ilegal ng Title VII ang mangdiskrimina batay sa kasarian sa pagbabayad ng mga sahod at benepisyo. Kung may claim ka sa Equal Pay Act, maaaring magkaroon ng mga advantage sa paghahain din sa ilalim ng Title VII. Para maghain ng demanda sa Title VII sa korte, dapat kang maghain ng reklamo sa EEOC at makatanggap ng Abiso ng Karapang Manghabla.

Paghahain ng Demanda Bago Makumpleto ang Imbestigasyon

Kung gusto mong maghain ng demanda bago namin matapos ang aming imbestigasyon, maaari kang humiling ng Abiso ng Karapatang Manghabla.

Paano Humiling ng Abiso ng Karapatang Manghabla:

Kung mayroon kang nakarehistrong account sa Pampublikong Portal ng EEOC, maaari mong isumite ang iyong kahilingan sa pamamagitan ng pag-log in sa account mo para sa reklamo at pag-upload ng kahilingan mo. Kung wala kang online na account para sa reklamo, ipadala ang iyong kahiligan para sa Abiso ng Karapatang Manghabla sa tanggapan ng EEOC na responsable para sa pag-iimbestiga sa iyong reklamo at isama ang numero ng reklamo ng EEOC mo at ang mga pangalan ng mga partido.

  • Pagkalipas ng 180 araw mula sa petsa kung kailan inihain ang iyong reklamo.
    Kung mahigit 180 araw na ang lumipas mula sa petsa kung kailan mo inihain ang iyong reklamo, inaatasan kami ng batas na ibigay sa iyo ang abiso kung hihilingin mo ito.
  • Bago lumipas ang 180 araw mula sa petsa kung inihain ang iyong reklamo.
    Kung wala pang 180 araw ang lumipas, ibibigay lang namin sa iyo ang abiso kung hindi namin matatapos ang aming imbestigasyon sa loob ng 180 araw.

Kung gusto mong ipagpatuloy ng EEOC ang pag-iimbestiga sa iyong reklamo, huwag humiling ng Abiso ng Karapatang Manghabla.

Mga Demanda ng EEOC

Kadalasan, makakapaghain lang ng demanda ang EEOC para ipatupad ang batas pagkatapos lang nitong imbestigahan at humantong sa resultang mayroong makatuwirang dahilan para maniwalang may nangyaring diskriminasyon, at kapag hindi nito naresolba ang problema sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na "conciliation." Ang EEOC ang magpapasya kung aling mga reklamo ang lilitisin kung nabigo ang mga pagsisikap sa conciliation, at ito ang pangunahing maglilitis sa maliit na porsyento ng lahat ng reklamong inihain. Kapag nagpapasya kung maghahain ng demanda, may mga salik na isinasaalang-alang ang EEOC tulad ng kalakasan ng ebidensya, mga isyu sa kaso, at mas malawak na epektong posibleng idulot ng demanda sa mga pagsisikap ng EEOC na labanan ang diskriminasyon sa lugar ng trabaho. Binigyan din ng kongreso ang mga indibidwal ng karapatang maghain ng demanda sa korte.

Paghahanap ng Abugado sa Trabaho Para Matulungan Kang Maghain ng Demanda

Kapag hiniling, maaari kang bigyan ng mga tanggapan ng EEOC ng listahan ng mga lokal na abugadong tinukoy sa EEOC na espesyalista sila sa batas sa paggawa at trabaho; hindi gumagawa ng mga partikular na rekomendasyon ang EEOC.

Ang mga sumusunod na organisasyon ay nagbibigay din ng mga directory ng mga abugadong kumakatawan sa mga manggagawa kung iniisip mong maghain ng demanda:

American Bar Association - http://apps.americanbar.org/legalservices/lris/directory/
Isang Directory ng Referral ng Abugado ng Mga Serbisyo ng American Bar Association na nakaayos ayon sa estado at ayon sa legal na isyu.

National Employment Lawyers Association: http://exchange.nela.org/network/findalawyer
Ang NELA ay isang pambansang propesyonal na organisasyon ng mga abugadong kumakatawan sa mga empleyado sa mga kaso sa batas sa trabaho.

Workplace Fairness: http://www.workplacefairness.org/find-attorney
Ang Directory ng Abugado ng Workplace Fairness ay nagtatampok ng mga abugado sa buong United States na pangunahing kumakatawan sa mga manggagawa sa mga kaso sa trabaho.