Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Fact Sheet: Batas sa Hindi Pandidiskrimina Batay sa Genetic na Impormasyon

Fact Sheet: Batas sa Hindi Pandidiskrimina Batay sa Genetic na Impormasyon

Pinoprotektahan ng Pamagat II ng Batas sa Hindi Pandidiskrimina Batay sa Genetic na Impormasyon (Genetic Information Nondiscrimination Act o GINA) ang mga indibidwal laban sa pandidiskrimina sa trabaho batay sa genetic na impormasyon. Nasasaklawan ng GINA ang mga employer na may 15 o higit pang empleyado, kabilang ang mga pamahalaan ng estado at lokal na pamahalaan. Nalalapat din ito sa mga ahensya para sa trabaho, samahan ng mga manggagawa, pinagsamang programa ng pagsasanay at apprenticeship sa paggawa at pamamahala, at sa pederal na pamahalaan.

Pagpapakahulugan ng Genetic na Impormasyon

Ang genetic na impormasyon ay nangangahulugang:

  • Impormasyon tungkol sa mga genetic na pagsusuri ng indibidwal;
  • Impormasyon tungkol sa genetic na pagsusuri ng isang miyembro ng pamilya;
  • Medikal na kasaysayan ng pamilya;
  • Mga kahilingan para sa at pagtanggap ng mga genetic na serbisyo ng isang indibidwal o miyembro ng pamilya; at
  • Genetic na impormasyon tungkol sa isang fetus na dinadala ng isang indibidwal o miyembro ng pamilya o ng isang embryo na legal na dinadala ng isang indibidwal o miyembro ng pamilya gamit ang pantulong na teknolohiya sa pag-aanak.

Mga Pasya sa Trabaho

Ipinagbabawal ng GINA ang paggamit ng genetic na impormasyon sa paggawa ng mga pasya sa trabaho, gaya ng pagkuha sa trabaho, pagtanggal sa trabaho, pag-unlad, suweldo, at iba pang tuntunin, kundisyon, at pribilehiyo ng trabaho. Halimbawa, ilegal para sa isang employer na ilipat ang isang empleyado mula sa isang trabaho na sa palagay nito ay masyadong nakakapagod pagkatapos malaman ang medikal na kasaysayan sa sakit sa puso ng kanyang pamilya. Walang pagbubukod sa pagbabawal sa paggamit ng genetic na impormasyon upang gumawa ng mga pasya sa trabaho.

Pagkuha ng Genetic na Impormasyon

Ipinagbabawal din ng GINA sa mga employer ang paghiling, paghingi, o pagbili ng genetic na impormasyon tungkol sa mga aplikante o empleyado, maliban sa mga napakalimitadong sitwasyon. Halimbawa, ilegal para sa isang employer na hilingin sa isang aplikante o empleyado na sagutin ang mga tanong tungkol sa medikal na kasaysayan ng pamilya sa panahon ng medikal na eksaminasyong nauugnay sa trabaho, gaya ng pre-employment na eksaminasyon o eksaminasyon para sa kaangkupan sa tungkulin sa panahon ng pamamasukan.

May anim na napakalimitadong sitwasyon kung saan maaarong humiling, humingi, o bumili ng genetic na impormasyon ang isang employer:

  • Kung saan hindi sinasadya, sa ibang salita ay aksidenteng nakuha ang impormasyon;
  • Bilang bahagi ng pangkalusugan o genetic na serbisyo, gaya ng programa sa wellness, na kusang-loob na ibinibigay ng employer;
  • Sa form ng medikal na kasaysayan ng pamilya upang makasunod sa mga kinakailangan sa sertipikasyon ng Batas sa Family Leave at Medical Leave (Family and Medical Leave Act), mga batas sa leave ng estado o lokal na pamahalaan, o mga patakaran sa leave ng isang partikular na employer;
  • Mula sa mga source na makikita bilang pangkomersyo at pampubliko, kabilang ang mga pahayagan, aklat, magazine, at elektronikong source (gaya ng mga website na naa-access ng publiko);
  • Bilang bahagi ng genetic na pagsubaybay na iniaatas ng batas o  kusang-loob na ibinigay; at
  • Mula sa mga employer na nagsasagawa ng pagsusuri sa DNA para sa mga layunin ng pagpapatupad ng batas bilang isang forensic lab o para sa pagtukoy ng labi ng tao.

Mga Naaayon sa Batas na Kahilingan para sa Impormasyong Nauugnay sa Kalusugan

Dahil ipinagbabawal ng GINA sa mga employer ang paghiling, paghingi, o pagbili ng genetic na impormasyon tungkol sa isang indibidwal, kapag nanghihingi ang isang employer ng impormasyon tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng kalusugan ng isang aplikante o empleyado (hal., upang suportahan ang kahilingan ng empleyado para sa makatuwirang suporta sa ilalim ng ADA o kahilingan para sa sick leave), dapat nitong bigyan ng babala ang empleyado at/o provider ng pangangalagang pangkalusugan ng empleyado kung saan nito hinihiling ang impormasyon na huwag magbigay ng genetic na impormasyon.

Dapat sabihan ng employer ang sarili nitong mga provider ng pangangalagang pangkalusugan na huwag mangolekta ng genetic na impormasyon bilang bahagi ng mga medikal na eksaminasyong nauugnay sa trabaho kapag nagpapadala ito ng aplikante o empleyado para sa isang medikal na eksaminasyon.

Pagkakumpidensyal ng Genetic na Impormasyon

Dapat panatilihin ng mga employer na kumpidensyal ang genetic na impormasyon tungkol sa mga aplikante at empleyado at, kung nakasulat ang impormasyon, hindi dapat ito isama sa iba pang impormasyon ng mga tauhan at nasa hiwalay na mga medikal na file dapat ang mga ito. May anim na limitadong sitwasyon kung saan maaaring maghayag ng genetic na impormasyon ang isang employer:

  • Sa empleyado o miyembro ng pamilya na tinutukoy sa impormasyon pagkatanggap ng nakasulat na kahilingan ng empleyado o miyembro ng pamilya;
  • Sa mananaliksik para sa trabaho o iba pang mananaliksik sa kalusugan na nagsasagawa ng pananaliksik bilang pagsunod sa ilang partikular na pederal na regulasyon;
  • Bilang tugon sa kautusan ng korte, ngunit maaari lang ihayag ng nasasaklawang entidad ang genetic na impormasyon na hayagang pinahihintulutan ng kautusan;
  • Sa mga opisyal ng pamahalaan na nagsisiyasat sa pagsunod sa Pamagat II ng GINA, kung may kaugnayan ang impormasyon sa imbestigasyon;
  • Alinsunod sa proseso ng sertipikasyon para sa FMLA leave o mga batas ng estado sa family leave at medical leave; o
  • Sa isang ahensya sa kalusugan ng publiko kung may kaugnayan lang sa impormasyon na tungkol sa pagpapatunay ng isang sakit o disorder na may kinalaman sa isang nakahahawang sakit na may banta ng nakaambang panganib ng pagkasawi o sakit na maaaring ikamatay.

Iba Pang Proteksyon

Labag din sa batas na gumanti sa isang indibidwal nang dahil sa pagtutol sa mga kagawian sa trabaho na nandidiskrimina batay sa genetic na impormasyon o nang dahil sa paghahain ng demanda, pagtestigo, o pakikipagtulungan sa anumang paraan sa isang imbestigasyon, pagdinig, o litigasyon sa ilalim ng GINA kaugnay ng pandidiskrimina. Halimbawa, labag sa batas para sa isang employer na ilipat ang isang empleyado sa mas mababang posisyon pagkatapos magreklamo ng empleyado tungkol sa pagtatangka ng employer na kumuha ng genetic na impormasyon sa panahong isinasagawa ang eksaminasyon para sa kaangkupan sa tungkulin.

Ipinagbabawal din ng GINA ang panggigipit batay sa genetic na impormasyon, gaya ng mga nakakainsulto at nakakahamak na komento tungkol sa genetic na impormasyon ng isang indibidwal na sapat na maituturing na malala at laganap upang makalikha ng nakakaperhuwisyong lugar sa trabaho.