Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Diskriminasyon Batay sa Lahi/Kulay

Diskriminasyon Batay sa Lahi/Kulay

Ang diskriminasyon batay sa lahi ay may kinalaman sa hindi kanais-nais na pagturing sa isang tao dahil mula siya sa partikular na lahi o dahil sa mga personal na katangian na nauugnay sa lahi (gaya ng karakter ng buhok, kulay ng balat, o ilang partikular na katangian ng mukha). Ang diskriminasyon batay sa kulay ay may kinalaman sa hindi kanais-nais na pagturing sa isang tao dahil sa kulay ng balat.

Maaari ding maugnay ang diskriminasyon batay sa lahi/kulay sa hindi kanais-nais na pagturing sa isang tao dahil siya ay kasal (o nauugnay) sa taong mula sa partikular na lahi o may partikular na kulay.

Maaaring mangyari ang diskriminasyon kapag ang biktima at ang taong nandiskrimina ay may parehong lahi o kulay.

Diskriminasyon Batay sa Lahi/Kulay at Mga Sitwasyon sa Trabaho

Ipinagbabawal ng batas ang diskriminasyon pagdating sa anumang aspeto ng pagtatrabaho, kabilang ang pag-hire, pagsisisante, pagpapasahod, mga pagtatalaga ng trabaho, mga promotion, pagtatanggal ng empleyado, pagsasanay, mga karagdagang benepisyo ng empleyado, at anupamang tuntunin o kundisyon ng trabaho.

Diskriminasyon Batay sa Lahi/Kulay at Panghaharas

Ilegal na mangharas ng tao dahil sa lahi o kulay ng taong iyon.

Maaaring kabilang sa panghaharas, halimbawa, ang mga pang-iinsultong nauugnay sa lahi, nakakapanakit o mapanirang puri na komento tungkol sa lahi o kulay ng tao, o ang pagpapakita ng mga simbolong maituturing na atake o pang-iinsulto sa lahi. Bagaman hindi ipinagbabawal ng batas ang simpleng panunukso, mga hindi inaasahang komento, o mga natatanging pangyayaring hindi gaanong nakababahala, ilegal ang panghaharas kapag lumikha ang pagiging madalas o malala nito ng mapanganib o mapanakit na lugar ng trabaho o kapag nagresulta ito sa isang hindi magandang desisyon sa trabaho (tulad ng pagkasisante o pagka-demote ng biktima).

Maaaring ang nanghaharas ay ang supervisor ng biktima, isang supervisor sa ibang area, isang katrabaho, o isang taong hindi empleyado ng employer, tulad ng kliyente o customer.

Diskriminasyon Batay sa Lahi/Kulay at Mga Polisiya/Kagawian sa Pagtatrabaho

Maaaring maging ilegal ang polisiya o kagawian sa trabaho na nalalapat sa lahat, anuman ang lahi o kulay, kung ito ay may negatibong epekto sa pagtatrabaho ng mga taong may partikular na lahi o kulay, hindi ito nauugnay sa trabaho, at hindi ito kailangan sa operasyon ng negosyo. Halimbawa, ang polisiya sa trabaho na "walang balbas" na nalalapat sa lahat ng manggagawa nang walang pagsasaalang-alang sa lahi ay maaari pa ring maging ilegal kung hindi ito nauugnay sa trabaho at kung may negatibo itong epekto sa pagtatrabaho ng mga African-American na lalaki (na mas malamang na magkaroon ng kundisyon sa balat na nagdudulot ng malalalang iritasyon dahil sa pag-aahit).