Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Mga Remedyo Para Sa Diskriminasyon Sa Trabaho

Mga Remedyo Para Sa Diskriminasyon Sa Trabaho

Sa tuwing may napag-aalamang insidente ng diskriminasyon, layunin ng batas na ilagay ang biktima ng diskriminasyon sa katulad na sitwasyon (o halos katulad na sitwasyon) na kalalagyan niya kung hindi naganap ang diskriminasyon.

Ang mga uri ng tulong ay idedepende sa mapandiskriminang pagkilos at sa naging epekto nito sa biktima. Halimbawa, kung hindi napili ang isang tao para sa isang trabaho o promotion dahil sa diskriminasyon, maaaring kabilang sa remedyo ang pagkakapili para sa puwesto sa trabaho at/o back pay at mga benepisyo na natanggap sana ng tao.

Kakailanganin din ng employer na ihinto ang anumang mapandiskriminang kagawian at gumawa ng mga hakbang para mapigilan ang diskriminasyon sa hinaharap.

Maaari ding mabawi ng biktima ng diskriminasyon ang mga bayarin sa abogado, bayarin sa propesyonal na testigo, at gastusin sa hukuman.

Maaaring Kabilang Sa Mga Remedyo Ang Danyos At Punitive Damages

Maaaring magbigay ng danyos at punitive damages sa mga kasong nauugnay sa intensyonal na diskriminasyon batay sa lahi, kulay, bansang pinagmulan, kasarian (kabilang ang pagbubuntis, pagkakakilanlan ng kasarian, at seksuwal na oryentasyon), relihiyon, kapansanan, o genetic na impormasyon.

Binabayaran ng danyos ang mga biktima para sa mga ginastos nila gamit ang sariling pera dulot ng diskriminasyon (gaya ng mga gastos na nauugnay sa paghahanap ng trabaho o mga medikal na gastusin) at para sa anumang natamong emosyonal na pinsala (gaya ng matinding paghihirap sa pag-iisip, kawalan ng ginhawa, o kawalan ng gana sa buhay).

Maaaring magbigay ng punitive damages para parusahan ang isang employer na gumawa ng lubos na mapaminsala o iresponsableng pandidiskrimina.

Mga Limitasyon Sa Danyos At Punitive Damages

May limitasyon sa halaga ng danyos at punitive damages na maaaring mabawi ng tao. Nag-iiba-iba ang mga limitasyong ito depende sa dami ng empleyado ng employer:

  • Para sa mga employer na may 15-100 empleyado, $50,000 ang limitasyon.
  • Para sa mga employer na may 101-200 empleyado, $100,000 ang limitasyon.
  • Para sa mga employer na may 201-500 empleyado, $200,000 ang limitasyon.
  • Para sa mga employer na may higit sa 500 empleyado, $300,000 ang limitasyon.

Diskriminasyon Batay Sa Edad O Kasarian At Liquidated Damages

Sa mga kasong nauugnay sa intensyonal na diskriminasyon batay sa edad, o sa mga kasong nauugnay sa diskriminasyon sa sahod na batay sa kasarian, sa ilalim ng Equal Pay Act, hindi maaaring bawiin ng mga biktima ang danyos o punitive damages, ngunit maaari silang maging kwalipikadong makatanggap ng "liquidated damages."

Maaaring magbigay ng liquidated damages para magbigay ng parusa para sa lubos na mapaminsala o iresponsableng pandidiskrimina. Ang halaga ng liquidated damages na maaaring ibigay ay katumbas ng halaga ng back pay na ibinibigay sa biktima.