Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Fact Sheet: Mga Karapatan sa Trabaho ng Mga Imigrante sa ilalim ng Mga Pederal na Batas Laban sa Pandidiskrimina

Fact Sheet: Mga Karapatan sa Trabaho ng Mga Imigrante sa ilalim ng Mga Pederal na Batas Laban sa Pandidiskrimina

Pinoprotektahan ang mga imigrante mula sa pandidiskrimina sa trabaho sa pamamagitan ng mga batas na ipinatutupad ng Komisyon sa Patas na Oportunidad sa Trabaho (Equal Employment Opportunity Commission o EEOC). Sinasagot ng pamphlet na ito ang mga madalas na itanong ng mga tao na iniisip na nakakaranas sila ng pandidiskrimina sa trabaho. Inilalarawan nito kung anong batas ang nasasaklawan, paano maghain ng reklamo, at ang mga karaniwang halimbawa ng pandidiskrimina sa trabaho.

Ang ginagawa ng Komisyon sa Patas na Oportunidad sa Trabaho

Ang EEOC ay isang pederal na ahensyang responsable sa pagpapatupad ng mga batas na nagbabawal sa pandidiskrimina at panggigipit sa trabaho nang dahil sa lahi, kulay, kasarian, relihiyon, bansang pinagmulan, edad (40 taong gulang pataas at kapansanan sa katawan o isip. Dapat sumunod sa mga batas na ito ang mga employer na may 15 o higit pang empleyado (20 o higit pa para sa pandidiskrimina batay sa edad), ahensya ng trabaho, unyon, programa sa apprentice ng employer at unyon, at lokal, pang-estado, at pederal na ahensya. Kung sa palagay mo ay nadiskrimina ka sa trabaho o habang nag-a-apply para sa trabaho, dapat kang makipag-ugnayan sa EEOC. May mahihigpit na limitasyon sa panahon ang batas para sa paghahain ng demanda laban sa pandidiskrimina, at sa ilang sitwasyon, hindi magkakaroon ng hurisdiksyon ang EEOC maliban na lang kung inihain ang demanda sa loob ng 180 araw simula nang mangyari ang pandidiskrimina. Dahil sa mga limitasyon sa paghahaing ito, iminumungkahi naming makipag-ugnayan ka sa aming opisina sa lalong madaling panahon pagkatapos mangyari ang pandidiskrimina.

Kapag nakahain na ang demanda laban sa pandidiskrimina, magsasagawa ang EEOC ng walang kinikilingang imbestigasyon upang alamin kung nalabag ang mga batas. Maaari kang tumawag sa 1-800-669-4000 upang maikonekta ka sa pinakamalapit sa iyong field office ng EEOC.

Ano ang dapat mong malaman tungkol sa Pandidiskrimina sa Bansang Pinagmulan sa ilalim ng Pamagat VII

Pinoprotektahan ng batas ang mga tao laban sa pandidiskrimina sa trabaho batay sa kanilang bansang pinagmulan. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa ng pandidiskrimina sa trabaho batay sa bansang pinagmulan.

Pandidiskrimina Dahil sa Lugar ng Kapanganakan ng isang Tao o ng Kanyang Ninuno

  • Maaaring kabilang sa labag sa batas na pandidiskrimina batay sa bansang pinagmulan ang pandidiskrimina dahil sa hitsura, kaugalian, o wika ng isang tao. Hindi kinakailangan ng isang tao na ipakita na galing sa isang partikular na bansa o rehiyon ang kanyang mga ninuno upang mapatunayan ang pandidiskrimina batay sa bansang pinagmulan. Maaaring patunayan ang isang claim kung nadiskrimina ang isang tao dahil sa pagkakaroon ng mga katangian ng ibang pangkat. Halimbawa, maaaring mapagkamalan ang isang tao na Haitian at madiskrimina batay sa ilang partikular na katangian, kahit na hindi talaga siya Haitian. Gayundin, maaaring akalain na ipinanganak sa ibang bansa o may dugong banyaga ang isang tao at madiskrimina nang labag sa batas.

Pandidiskrimina Batay sa Kaugnayan sa Mga Tao sa Pangkat na Mula sa Ibang Bansa

  • Ipinagbabawal ng batas ang pandidiskrimina dahil nauugnay ang isang tao sa mga tao sa pangkat na mula sa isang bansa, (pandidiskrimina batay sa pagpasok sa mga paaralan o lugar ng pagsamba na ginagamit ng mga taong may partikular na nasyonalidad, at pandidiskrimina dahil nauugnay ang pangalan ng isang tao o ng asawa sa isang pangkat mula sa isang bansa). Halimbawa, kung hindi nabigyan ng promosyon ang isang tao o kung hindi naman ay nadiskrimina siya dahil Hispanic ang asawa niya, nilalabag niyon ang batas.

Maaaring Magkaroon ng Hindi Kaaya-ayang Epekto ang Mga Kagawian sa Mga Pangkat na Mula sa isang Partikular na Bansa

  • May ilang kagawian sa trabaho, gaya ng mga kinakailangan sa pagkamamamayan, minimum na kinakailangan sa taas, at patakaran laban sa pagkuha ng mga indibidwal na may mga tala ng pagkaaresto at paghatol ng hukuman, na maaaring magsala ng mga taong mula sa isang partikular na bansa. Halimbawa, dahil sa pinakamababa na kinakailangan sa taas para sa ilang partikular na trabaho, gaya ng mga pulis o bumbero, maaaring marami ang masalang tao mula sa ilang partikular na bansa, gaya ng mga Hispanic at Asian, at maaaring labag ito sa batas maliban na lang kung mapatutunayan ng employer na nauugnay ito sa trabaho at kinakailangan ito para ligtas o epektibong makapagpatakbo ang employer. Ang isa pang patakaran na maaaring maglimita laban sa pangkat na mula sa isang partikular na bansa ay ang kinakailangang diploma sa mataas na paaralan, na maaaring hindi nauugnay sa trabaho para sa ilang partikular na posisyon na gaya ng mga trabahador.

Panggigipit Batay sa Bansang Pinagmulan

  • Ilegal ang mga ethnic slur at iba pang berbal o pisikal na pag-uugali dahil sa nasyonalidad kung malala o laganap ang mga ito at lumilikha ng nakakatakot, nakakaperhuwisyo o nakakainsultong lugar sa trabaho, nakakasagabal sa pagganap sa trabaho, o negatibong nakakaapekto sa mga oportunidad sa trabaho. Kabilang sa mga halimbawa ng mga potensyal na labag sa batas na pag-uugali ang mga pang-iinsulto, panghahamak, o pagbabansag kaugnay ng etnisidad, gaya ng pagkakatuwaan sa banyagang punto sa pagbigkas ng isang tao o mga komentong tulad ng, "Bumalik ka sa pinanggalingan mo, " ang mga superbisor man o mga katrabaho ang nagsabi nito.

Pandidiskrimina Batay sa Banyagang Punto sa Pagbigkas

Naaayon lang sa batas ang pagtrato nang iba sa mga empleyado dahil mayroon silang banyagang punto sa pagbigkas kung lubhang nakasasagabal ang punto sa pagbigkas sa kakayahang maisagawa ang trabaho.

  • Sa pangkalahatan, maaari lang ibatay ng employer sa punto sa pagbigkas ang pasya nito sa trabaho kung kinakailangan ang epektibong pasalitang pakikipag-ugnayan sa Ingles upang maisagawa ang mga tungkulin sa trabaho at lubhang nakasasagabal ang banyagang punto sa pagbigkas ng indibidwal sa kakayahan niyang makipag-ugnayan nang pasalita sa Ingles.
  • Kabilang sa mga trabaho na maaaring nangangailangan ng epektibong pasalitang pakikipag-ugnayan sa Ingles ang pagtuturo, serbisyo sa kostumer, at telemarketing sa mga kliyenteng nagsasalita ng Ingles.
  • Kung may punto sa pagbigkas ang isang tao ngunit may kakayahan siyang makipag-ugnayan nang epektibo at nauunawaan siya kapag nagsasalita ng Ingles, hindi siyang maaaring idiskrimina.

Mga Panuntunan sa Pagsasalita Lang ng Ingles

Nakasaad sa EEOC na labag sa batas ang mga panuntunang nag-aatas sa mga empleyado na magsalita lang ng Ingles sa lugar ng trabaho maliban na lang kung mabibigyang-katwiran ng employer ang pangangailangan ng mga ito sa negosyo.

  • Bihirang mabigyang-katwiran ang panuntunang nag-aatas sa mga empleyado na magsalita lang ng Ingles sa lugar ng trabaho sa lahat ng pagkakataon, kabilang ang mga break at tanghalian.
  • Dapat limitahan ang panuntunan sa pagsasalita lang ng Ingles sa mga sitwasyon kung saan kinakailangan ito para ligtas o mabisang makapagpatakbo ang employer.
  • Kabilang sa mga sitwasyon kung saan maaaring mabigyang-katwiran ang panuntunan sa pagsasalita lang ng Ingles ang: mga pakikipag-ugnayan sa mga kostumer o katrabaho na nagsasalita lang ng Ingles; mga emergency o iba pang sitwasyon kung saan dapat magsalita ng parehong wika ang mga manggagawa upang maisulong ang kaligtasan; mga pagtatalaga sa trabaho na nangangailangan ng pagtutulungan kung saan kinakailangan ang panuntunan sa pagsasalita lang ng Ingles upang maisulong ang pagkaproduktibo.
  • Kahit na kinakailangan ang panuntunan sa pagsasalita lang ng Ingles, hindi maaaring magpataw ng pandisiplinang pagkilos ang employer laban sa isang empleyado dahil sa paglabag  sa panuntunan maliban na lang kung inabisuhan ng employer ang mga manggagawa tungkol sa panuntunan at sa mga kahihinatnan ng paglabag dito.

Pandidiskrimina Batay sa Hitsura

Labag sa batas ang pandidiskrimina batay sa etnikong hitsura ng isang tao.

  • Halimbawa, nag-a-apply para sa isang trabaho bilang receptionist si Radika, na mula sa India. Sa panayam sa kanya, sinabi ng pumipiling opisyal na hindi naaangkop para sa trabaho si Radika, dahil naghahanap ang kumpanya ng isang taong may "ganap na pang-front office na Amerikanong hitsura." Maayos ang pananamit niya, at nakatitiyak siya na ang tanging bagay tungkol sa hitsura niya na hindi "pang-front office" ay ang pagkakaroon niya ng lahing Indian. Kung maipapakita ni Radika na itinuturing ng pumipiling opisyal na hindi naaangkop ang hitsura niya dahil sa mga Indian na katangian niya, maaari siyang magpatunay ng paglabag sa batas. Gayundin, kung hindi papayagan ng employer na ito ang pagsusuot ng sari ng isang Indian na empleyado, ngunit wala itong ipinatutupad na paghihigpit sa kasuotan sa sinupamang empleyado, maaari din nitong labagin ang batas.

Batas sa Imigrasyon at Nasyonalidad (INA), 8 U.S.C. § 1324

Hayagang ipinagbabawal ang pandidiskrimina batay sa status ng pagkamamamayan sa bisa ng probisyong laban sa pandidiskrimina ng Batas sa Imigrasyon at Nasyonalidad (Immigration and Nationality Act o INA) na 8 U.S.C. § 1324b. Ipinagbabawal ng batas ang: 1) pandidiskrimina batay sa status ng pagkamamamayan sa pagkuha sa trabaho, pagtanggal sa trabaho, o pag-recruit o pag-refer na may bayad; 2) pandidiskrimina batay sa bansang pinagmulan sa pagkuha sa trabaho, pagtanggal sa trabaho, o pag-recruit o pag-refer na may bayad; 3) mga hindi patas na kagawian sa dokumentaryo sa pag-verify ng pagiging kwalipikado para sa trabaho, na mga proseso sa Form I-9 at E-Verify; at 4) pagganti o pananakot.

Ang probisyong laban sa pandidiskrimina ng INA ay ipinatutupad ng Seksyong Mga Karapatan ng Imigrante at Empleyado (Immigrant and Employee Rights Section o IER) sa Dibisyon ng Mga Karapatang Sibil ng Kagawaran ng Hustisya. Para sa higit pang impormasyon, makipag-ugnayan sa IER sa mga numero sa ibaba (9:00 am-5:00 pm ET, Lunes-Biyernes) o bumisita sa website ng IER. Maaaring anonymous ang mga tawag at nasa anumang wika:

IER Employer Hotline: 1-800-255-8155
IER Employee Hotline: 1-800-255-7688
1-800-237-2515 at 202-616-5525(TTY para sa mga empleyado/aplikante)
www.justice.gov/ier

Nakasaad sa isang memorandum ng unawaan (memorandum of understanding o MOU) sa pagitan ng EEOC at IER (dating kilala bilang Opisina ng Espesyal na Pagpapayo para sa Mga Hindi Patas na Kagawian sa Trabaho na Nauugnay sa Imigrasyon) na tutukuyin ng mga ahensya ang mga demanda ng isa't isa na nagpaparatang ng mga paglabag sa ilalim ng mga batas na ipinatutupad ng bawat ahensya. Ipapadala ng EEOC ang mga reklamo sa IER para sa imbestigasyon kung naaangkop sa ilalim ng MOU. Kabilang sa mga halimbawa ng ipinagbabawal na pandidiskrimina sa ilalim ng INA ang:

  • Patakaran na mamamayan ng U.S. lang na nandidiskrimina sa ilang partikular na hindi mamamayan ng U.S. na may pahintulot na magtrabaho sa United States.
  • Paghiling sa mga aplikante o bagong na-hire na empleyado na magbigay ng ilang partikular o karagdagang dokumento ng awtorisasyon sa trabaho dahil sa status ng pagkamamamayan o bansang pinagmulan nila sa halip na tanggapin ang alinman sa ilang uri ng dokumentasyon na may pahintulot ang mga indibidwal na isumite sa ilalim ng naaangkop na pederal na batas.

Ang kailangan mong malaman tungkol sa iba pang uri ng Pandidiskrimina sa Trabaho na maaaring makaapekto sa iyo

Ipinagbabawal din ng mga batas na ipinatutupad ng EEOC ang pandidiskrimina sa trabaho batay sa lahi, kasarian, kulay, relihiyon, edad, at kapansanan ng katawan o isip. Dagdag dito, hindi ka maaaring gantihan nang dahil sa paghahain ng demanda, pagprotesta o pagtutol sa pandidiskrimina sa trabaho, o pakikipagtulungan o pagtestigo sa isang imbestigasyon o demanda. Sinasaklaw ng mga batas na ito ang lahat ng aspeto ng trabaho kabilang ang pag-recruit, pag-hire, promosyon, demosyon, pagkakatanggal sa trabaho, layoff, suweldo, mga benepisyo ng empleyado, mga pagtatalaga ng trabaho, at lahat ng iba pang tuntunin o kundisyon ng trabaho.

Narito ang ilang halimbawa ng naturang iba pang uri ng pandidiskrimina na madalas na nakakaapekto sa mga imigranteng manggagawa.

  • Noong nag-apply si Mei Li para sa isang trabaho bilang presser sa isang garment shop, sinabihan siya na mga lalaki lang ang mga kinukuhang presser. Noong nag-apply si Wah bilang operator ng makinang panahi, nakita niyang mga babae lang ang nagpapatakbo ng mga makinang panahi. Sinabihan siya na hindi siya kukuning operator ngunit inalok siya ng trabaho bilang isang presser. Isa siyang kwalipikadong operator ng makinang panahi. Isa itong pag-uuri ng trabaho batay sa kasarian at labag ito sa batas.
  • Noong ipinagdiwang ni Mae ang kanyang ika-65 kaarawan, sinabihan siya ng may-ari ng shop na masyado na siyang matanda para maging operator ng makinang panahi, at inalok siya ng trabaho bilang isang thread trimmer. Ito ay labag sa batas na pandidiskrimina batay sa edad.
  • Buntis si Clara at humiling siya ng 3 buwang may bayad na leave of absence. Magbibigay ang kanyang kumpanya sa mga may sakit na empleyado ng hanggang 3 buwang may bayad na leave of absence ngunit tinanggihan nito ang kahilingan niya para sa leave. Isa itong pandidiskrimina batay sa pagbubuntis, na isang uri ng labag sa batas na pandidiskrimina batay sa kasarian.
  • Sinabihan si Maria ng amo niya na kung gusto niyang mapanatili ang trabaho niya, dapat siyang lumabas kasama nito. Isa itong sekswal na panggigipit at labag ito sa batas.
  • Palaging tinatawag si John ng mga katrabaho niya gamit ang mga palayaw na tumutukoy sa kanyang lahi at gumagamit ang mga ito ng mga racial slur at bansag na para sa kanya ay nakakainsulto at hindi kaaya-aya. Nagreklamo siya sa kanyang amo, ngunit walang ginawa upang matigil ito. Isa itong panggigipit batay sa lahi na labag sa batas.
  • Humiling si Joan ng pagbabago sa kanyang iskedyul upang ipagdiwang ang mahalagang pista sa relihiyon. Tumanggi ang kanyang employer na isaalang-alang ang kanyang kahilingan bagama't madali siyang mapagbibigyan. Isa itong uri ng pandidiskrimina batay sa relihiyon na labag sa batas.
  • Napansin ni Jasha na hindi binabayaran si Sarah nang gaya sa ibinabayad sa kanya bagama't pareho ang trabaho nila sa ilalim ng mga parehong kundisyon sa pagtatrabaho. Noong tinutulan niya ang hindi patas na pagtrato sa kanyang kasamahan, natanggal siya sa trabaho. Lumabag sa batas ang employer dahil protektado si Jasha mula sa pagganti batay sa pagtutol niya sa posibleng pandidiskrimina. Maaari ding karapat-dapat si Sarah sa proteksyon sa ilalim ng batas dahil labag din sa batas ang hindi patas na sahod batay sa kasarian.
  • Nagkaroon si Sang ng problema sa likod na naglimita sa kakayahan niyang magbuhat ng mga parsel na mas mabigat sa 55 lbs. Mahalagang tungkulin sa kanyang trabaho ang paghahatid ng mga parsel. Humihiling siya ng murang kariton na may mga gulong na magbibigay-daan sa kanyang magawa ang trabaho niya. Tumanggi ang employer na magbigay ng kariton, kahit na hindi ito magdudulot ng labis na paghihirap. Sa pamamagitan ng pagtangging magbigay ng makatuwirang suporta, nadiskrimina si Sang ng kanyang employer sa batayan ng kanyang kapansanan.
  • Umuwi si Omar sa kanyang sariling bansa para bumisita. Nang bumalik na siya, tumanggi ang kanyang amo na pabalikin siya sa trabaho hangga't hindi pa siya nasusuri ng doktor, dahil naniniwala ang amo niya na nakakuha si Omar ng isang nakahahawang sakit sa bakasyon niya. Maliban na lang kung makatwirang naniniwala ang amo na nanganganib ang kalusugan o kaligtasan ng mga katrabaho ni Omar dahil sa medikal na kundisyon ni Omar, labag sa batas na atasan si Omar na magpasuri sa doktor.
  • Mula sa Dominican Republic si Jose at nagtatrabaho siya sa isang kumpanya na pagmamay-ari ng isang Dominican. Mas maitim ang balat ni Jose kumpara sa may-ari o sinupamang empleyado. Siya lang ang tanging empleyado na hindi nabigyan ng pagsasanay para sa pagiging superbisor. Kung ang kulay ng kanyang balat ang dahilan kaya hindi siya nabigyan ng pagsasanay para sa pagiging superbisor, nilalabag nito ang batas.
  • Nag-away sa trabaho si Antoine, na isang Black, at si Claude, na isang White. Nag-imbestiga ang employer at hindi nito matukoy kung sino ang nagsimula ng away. Natanggal sa trabaho si Antoine at nasuspinde si Claude nang walang suweldo sa loob ng isang linggo. Maaaring isang kaso ito ng pandidiskrimina batay sa lahi dahil natanggal sa trabaho ang person of color habang nasuspinde lang sa trabaho ang White na empleyado. Kung dati nang may rekord ng pakikipag-away si Antoine sa trabaho ngunit walang rekord si Claude o kung nangangasiwang empleyado si Antoine ngunit si Claude ay hindi, posibleng mabigyang-katwiran ng pagkakaibang ito ang mas matinding parusang ipinataw kay Antoine.
  • Noong kakapanayamin na ng imbestigador ng EEOC si Anne, binalaan siya ng kanyang amo na maaaring manganib ang trabaho niya kung hindi siya magsisinungaling sa imbestigador. Nilalabag ng ganitong uri ng pananakot ang batas dahil hindi maaaring gantihan ang mga empleyado dahil nakikipagtulungan sila sa isang imbestigasyon ng EEOC.

TANDAAN - MAY KARAPATAN KANG MAGTRABAHO NANG HINDI NAPAPAILALIM SA PANDIDISKRIMINA SA TRABAHO