Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Fact Sheet: Pandidiskrimina Batay sa Bansang Pinagmulan

Fact Sheet: Pandidiskrimina Batay sa Bansang Pinagmulan

Galing man ang isang indibidwal (o ang kanyang mga ninuno) sa China, Russia, o Nigeria, o kabilang man siya sa isang etnikong pangkat, gaya ng Hispanic o Arab, karapat-dapat siya sa mga parehong oportunidad sa trabaho na gaya ng sinupaman. Ipinatutupad ng EEOC ang pederal na pagbabawal sa pandidiskrimina sa trabaho batay sa bansang pinagmulan sa ilalim ng Pamagat VII ng Batas ng 1964 Ukol sa Mga Karapatang Sibil, na sumasaklaw sa mga employer sa pribadong sektor na mayroong labinglima o higit pang empleyado, employer ng pederal na pamahalaan, ahensya ng trabaho, at samahan ng mga manggagawa.

Tungkol sa Pandidiskrimina Batay sa Bansang Pinagmulan

Labag sa batas na mandiskrimina laban sa sinumang empleyado o aplikante sa trabaho dahil sa bansang pinagmulan ng indibidwal. Walang sinuman ang maaaring hindi bigyan ng patas na oportunidad sa trabaho dahil sa lugar ng kapanganakan, mga ninuno, kultura, o lingguwistikang katangian na malapit na nauugnay sa isang etnikong pangkat. Hindi maaaring ipagkait ang patas na oportunidad sa trabaho dahil sa pagpapakasal o kaugnayan sa mga tao sa isang pangkat na mula sa isang bansa; pagiging kasapi o kaugnayan sa mga partikular na grupong nagsusulong ng etnikong pangkat; pagdalo o pakikiisa sa mga paaralan, simbahan, templo o mosque na karaniwang nauugnay sa isang pangkat na mula sa isang bansa; o sa isang apelyidong nauugnay sa isang pangkat na mula sa isang bansa. Kabilang sa mga halimbawa ng mga paglabag na nasasaklawan sa ilalim ng Pamagat VII ang:

Mga Pasya sa Trabaho

Ipinagbabawal ng Pamagat VII ang mga pasya sa trabaho, kabilang iyong may kinalaman sa pag-recruit, pagkuha sa trabaho, promosyon, paghihiwalay, at pagtanggal sa trabaho o layoff, na mayroong layunin o epekto ng pandidiskrimina batay sa bansang pinagmulan.

Panggigipit

Ipinagbabawal ng Pamagat VII ang panggigipit dahil sa bansang pinagmulan kapag matindi o laganap ito na lumilikha ng nakakaperhuwisyong lugar sa trabaho.  May iba't ibang klase ng nakakaperhuwisyong lugar sa trabaho batay sa bansang pinagmulan, kabilang ang mga etnic slur, graffiti sa lugar ng trabaho, pisikal na karahasan, o iba pang nakakainsultong pag-uugali na pinatutungkol sa isang indibidwal dahil sa lugar ng kapanganakan, etnisidad, kultura, wika, kasuotan, o banyagang punto sa pagbigkas.  Kinakailangan ng mga employer na magsagawa ng mga naaangkop na hakbang upang mapigilan at maiwasto ang labag sa batas na panggigipit. Gayundin, may responsibilidad ang mga empleyado na iulat ang panggigipit nang maaga upang maiwasan ang paglala nito.

Wika

  • Pandidiskrimina batay sa punto sa pagbigkas

    Hindi maaaring ibatay ng employer ang isang pasya sa banyagang punto sa pagbigkas ng empleyado maliban na lang kung kinakailangan ang epektibong pakikipag-usap sa Ingles upang maisagawa ang mga tungkulin sa trabaho at lubhang makakasagabal ang punto sa pagbigkas ng indibidwal sa kanyang kakayahang makipag-ugnayan sa Ingles.
  • Mga kinakailangan sa kahusayang magsalita
    Pinapayagan lang ang pangangailangan ng kahusayang magsalita sa Ingles (o banyagang wika) kung kinakailangan ito para sa epektibong pagganap sa posisyon kung saan ito ipinatutupad.
  • Mga English-only na panuntunan

    Dapat ipatupad ang mga English-only na panuntunan para sa mga dahilang hindi nandidiskrimina. Maaaring gamitin ang English-only na panuntunan kung kinakailangan ito upang magsulong ng ligtas at mabisang pagganap sa trabaho o mga ligtas at mabisang pagpapatakbo ng negosyo.  Dapat magbigay ang mga employer ng sapat na mga English-only na panuntunan.

Mga Isyu sa Pagkamamamayan

  • Mga kinakailangan sa pagkamamamayan ng U.S.

    Hindi ipinagbabawal ng Pamagat VII ang pandidiskrimina batay sa pagkamamamayan.  Gayunpaman, nalalabag ang Pamagat VII sa tuwing nandidiskrimina batay sa pagkamamamayan nang may layunin o resulta na mandiskrimina batay sa bansang pinagmulan.  Ang probisyong laban sa pandidiskrimina ng Batas sa Imigrasyon at Nasyonalidad, na ipinatutupad ng Seksyong Mga Karapatan ng Imigrante at Empleyado ng Kagawaran ng Hustisya ng U.S., ay nagbabawal sa mga employer na may apat o higit pang empleyado sa pandidiskrimina dahil sa status ng pagkamamamayan laban sa mga mamamayan ng U.S. at ilang partikular na uri ng mga banyagang mamamayan na may pahintulot na magtrabaho sa United States kaugnay ng pagkuha sa trabaho, pagtanggap sa trabaho, at pag-recruit o pag-refer nang may bayad.
  • Pagsaklaw ng mga banyagang mamamayan

    Ipinagbabawal ng Pamagat VII at iba pang batas laban sa pandidiskrimina ang pandidiskrimina laban sa mga indibidwal na nagtatrabaho sa United States, sa kabila ng status sa imigrasyon o awtorisasyon na magtrabaho.